Author Interview: Edgar Calabia Samar

Note: For my international readers, this post is written in Filipino.

Matagal-tagal ko na ring kilala si Edgar Calabia Samar o mas kilala ng ilan sa tawag na Sir Egay o Egay. Una ko siyang nakadaupang-palad nang ako'y dumalo sa isang pagtitipon ng Pinoy Reads Pinoy Books na noon ay sabayang binabasa ang kanyang unang nobela na Walong Diwata ng Pagkahulog. Pagkatapos nga ng gabing iyon sa Marikina ay naging masugid na akong tagahanga ni Sir Egay na lalo ko pang nakilala nang minsa'y naglakbay kami upang hanapin ang Atisan. Noong araw din na 'yon ko nakilala si Janus Silang at simula nga noon ay talagang inabangan ko na ang araw na mababasa ko ang aklat na ito.

Ngunit bago pa natin pag-usapan ang buong libro, tayo ay pinaunlakan ni Sir Egay ng isang maikling panayam upang lalo pa nating makilala ang ating bidang si Janus!

TheLibrary Mistress: Bakit Janus Silang ang pangalan ng bida?

Edgar Calabia Samar: May kababata at kaibigan akong Janus ang pangalan, dahil January ang birthday niya, at matagal na niya akong kinukulit sa FB chat na isama siya sa mga sinusulat ko. Med rep siya, at kapag tinatanong ko siya kung ano ba ang mga interesting sa buhay-med-rep, wala naman siyang maikuwento. Sabi niya noon, kahit pangalan na lang niya ang gamitin ko. Nang pinaplano ko ang pagsusulát ng nobela, at nag-iisip ako ng pangalan ng bida, naghahanap ako ng pangalang makauugnay pa rin ang henerasyon ngayon, at noon ko naalala ang Janus. Pero hindi ko sinunod ang buong pangalan niyang Paul Janus dahil Janus Gregorio Sílang ang buong pangalan ng ating bida. Bakit Sílang? Sasagutin ito ng mga susunod na aklat kapag binalikan natin ang angkan ni Janus.

TLM: Sino si Janus Silang at bakit dapat namin siyang makilala?

ECS: Kinakatawan ni Janus ang karaniwang kabataan sa kasalukuyan na may mga barkada, nagkaka-crush, napapalayo ang loob sa mga magulang dahil sa pagbibinata, nalululong sa mga bisyong tulad ng pagdo-DOTA. Subalit si Janus din ay kumakatawan sa pantastikong buhay na pinapangarap at maaaring napapanaginipan lang ng ilang kabataan. Si Janus ang bayaning nasa puso ng bawat batang ibig iligtas ang mundo laban sa lahat ng nilalang ng dilim.

READ MORE: Cover Reveal: Si Janus Silang at Ang Tiyanak ng Tábon by Edgar Calabia Samar

TLM: Bilang awtor, ano ang inspirasyon mo sa pagsulat ng akdang ito?

ECS: Matagal ko nang gustong makapagsulat ng nobelang sa palagay ko’y mababasa’t magugustuhan ng mga taong mahalaga sa akin. Hamon sa akin ang pagpapahalaga sa simpleng pagkukuwento. Sa mga una kong nobela, higit na nangingibabaw ang proyekto ng pagsasanaysay kaysa pagsasalaysay. Ngayon, gusto ko lang lumikha ng nobelang pananabikan ng mambabasa. Ngayon, gusto kong maunawaan kahit ng isang karaniwang teenager. Kapag binasa niya ang nobela ko sa halip na mag-DOTA sa loob ng kung ilang oras, alam kong hindi nasayang ang panahon ko sa pagsusulat nito. Pagkatapos niyang magbasa at habang hinihintay ang Book 2, puwede na ulit siyang mag-DOTA muna.

READ MORE: First Chapter Preview: Si Janus Silang at Ang Tiyanak ng Tábon by Edgar Calabia Samar

TLM: Sa iyong nobelang, Walong Diwata ng Pagkahulog, ipinakilala mo ang mga tiyanak sa mundo. Saan nangagaling ang iyong pagkahilig sa mga tiyanak?

ECS: Noon pa mang tula ang mas isinusulat ko, interesado na ako sa ating mga panitikang-bayan, lalo pa ang mga nilalang ng dilim sa ating mga alamat. Nakapagsulat na ako ng mga tulang nagtatampok sa tiyanak, bago ko pa man ito ginamit sa aking mga nobela. Sa isang banda, halos awtobiyograpiko ang simula ng Walong Diwata ng Pagkahulog. Isa sa mga hindi ko malilimutang kuwento noong bata ako’y na pinaglaruan umano ako ng tiyanak.

TLM: Nabanggit na rin naman natin ang isa mo pang nobela, ano ang mas mahirap isulat?

ECS: Magkaiba ang antas ng hirap ng dalawa, dahil magkaiba ang proyekto. Mahirap magkompara. Unang nobela ko ang Walong Diwata, at gusto ko lang magsulat ng nobelang tingin ko’y hindi pa ginagawa sa nobelang Filipino. Iyan ang yabang ko noon, nagtagumpay man ako o hindi. Ang mahirap naman sa Janus Sílang, kailangan kong pagmukhain itong madali, lalo pa sa mga mambabasa. Siguro, kahit anong mahal mo, paghihirapan mo, dahil gusto mo ang pinakamabuti para rito. Pero sa bandang huli, ayaw ko nang pag-isipan ang hirap na pinagdaanan ko sa kanila. Ang importante’y natapos ko sa wakas, kahit pa hindi dito nagwawakas ang mga paghihirap na kailangan kong harapin.

*Maaaring i-like sa FB ang Janus Sílang Series sa http://www.facebook.com/JanusSilang. Maaari ring i-follow si Edgar Calabia Samar sa @ecsamar sa Twitter. Bisitahin ang edgarsamar.com para sa iba pang akda ni Samar.

2 comments:

  1. Ang ganda ng panayam. Kahit nabasa ko na ang "Janus Silang", ang dami ko pa ring nalaman sa blog post na ito. Salamat! :)

    ReplyDelete
  2. Magaling kasi sumagot yung iniinterbyu! :D

    ReplyDelete

Library Mistress Credits: Code by Emporium Digital