Guest Blog: Edgar Calabia Samar

Ikinalulugod kong ipakilala sa inyong lahat ang isa sa mga paborito kong mángangathâ, si Edgar Calabia Samar.
Note: To my international readers, this entire post is written in Filipino.

Ang Talinghaga sa mga Nilalang na Kagila-gilalas

Sa una kong nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog, sinikap kong magbuo ng isang mito tungkol sa mga dakilang manunulat: na anak sila ng isang diwata sa isang mortal. At bagaman hindi nagiging diwata ang anak ng diwata, hindi rin sila nagiging ganap na karaniwang tao. Kaya marami sa kanila, káhit nabubuhay sa mundong ito, parang laging lumilipad sa kung saan ang isip. Parang laging may kinakapang kung ano ang puso. Mananatili sila sa mundong ito subalit hindi rin nila mararamdaman na kabilang sila rito kaya’t patuloy silang kakatha ng mga daigdig na ito-subalit-hindi-rin-ito sa pag-asa na matatagpuan ang kung anuman iyong hindi rin naman nila mapangalanan.


Samantala, nang isulat ko ang ikalawa kong nobelang Sa Kasunod ng 909, nagtuon naman ako sa mga manananggal, itong larawan ng ating sinaunang tákot, na pumapainlanlang sa mga gabi ng matinding gutom, at iniiwan ang kalahati ng katawan sa lupa. Sa isang banda, may matandang pangarap na pantao na tinutupad ang larawan ng manananggal: ang pagnanasang makalipad, at tanawin ang mga bagay mula sa itaas. Pero dahil din doon kaya’t hindi rin sila makapamumuhay bílang ganap na tao. Tulad ng anak ng diwata, namumuhay sila bilang iba. Nagbibitak at nahahati ang loob nilang magkasabay na nakatuntong sa mundo at pumapailanlang mula rito.


Iyon sa palagay ko ang bisa ng ating mga kuwento at karunungang bayan na pinagmulan ng mga tauhang ito—ang lagi’t laging ipaalala sa atin na may iba pang mundo. Sa isang banda, ganito rin ang bisa ng talinghaga sa ating mga sinaunang tula, na kasintanda marahil ng kuwento ng mga diwata’t manananggal. Talinghaga ang kapasidad ng kamalayan sa pamamagitan ng malikhaing pahayag na makita o tingnan ang isang bagay bilang iba pang bagay. Niyayanig nito kung gayon ang daigdig ng literal—ang pragmatikong mundo ng naririto, hayag at kongkreto—upang maghain ng bisyon, ng kaisipan na nagmumula subalit lumalampas sa dinaranas ng mga pandama.


Para sa pinakabago kong nobela at kauna-unahan kong YA novel, ang Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon, isang alamat ng Tiyanak naman ang binuno ko. (Siyempre, hindi ko sasabihin ngayon kung ano iyong nabuo ko.) Anuman, sinisikap kong harapin pa rin dito ang isa na namang larawan ng kagila-gilalas sa ating mga kuwentong-bayan. Tulad ng talinghaga, sa palagay ko’y nariyan ang mga nilalang na ito upang patuloy at paulit-ulit na pagbukalan ng ating pagpapakahulugan.


Ehersisyo ng pagpapakatao ang pagbibigay-kahulugan sa mga bagay-bagay. Hindi nito nalulubos at hindi malulubos ang pagsagot sa mga tanong na nasa isip natin, totoo, subalit kailangan din ang mga guwang at puwang na iyon upang pagsidlan ng ating haraya, ng ating imahinasyon, na maaaring naging bahagi ng ating pagkatao sapagkat kailangan natin. Sabi nga ng isang nobelistang Ingles na isa sa mga unang pumaksa ng nangyaring 9/11 sa nobela: “cruelty is a failure of imagination.” Kabiguan ng haraya ang kalupitan. Sa gitna ng kabi-kabilang trahedya sa bayan natin, paano natin ito hinaharap? At paano ito hinaharap ng mga manlilikha ng ating bayan?

Ang haraya, na nagpakilala sa ating mga diwata, manananggal, tiyanak, ang nagturo rin sa ating mga ninuno, sa pamamagitan ng isang dalít na: “Ang sugat ay kung tinanggap/ Di daramdamin ang antak./ Ang aayaw at di payag,/ Galos lamang, magnanaknak.” Ito siguro ang ubod ng ipinagpaparangalan nating tatag bilang isang bayan. Lahat ng sugat na kaya nating tanggapin.

*Maaaring i-like sa FB ang Janus Sílang Series sa http://www.facebook.com/JanusSilang. Maaari ring i-follow si Edgar Calabia Samar sa @ecsamar sa Twitter. Bisitahin ang edgarsamar.com para sa iba pang akda ni Samar.

0 comments:

Post a Comment

Library Mistress Credits: Code by Emporium Digital